Ngayong Huwebes, December 17, itinakda ni Public Services Committee Chairperson Senator Grace Poe ang pagdinig ukol sa mga problema sa Radio-Frequency Identification (RFID) na siyang pangunahing sistema sa pagpatupad ng cashless transactions sa tollways.
Ang pagdinig ay tugon sa kaliwa’t kanang reklamo ng motorista sa palpak na RFID system na nagresulta sa matinding problema sa trapiko.
Ayon kay Poe, layunin ng pagdinig na maayos ang sitwasyon at matigil ang perwisyo sa publiko.
Sabi ni Poe, target din ng pagdinig na malaman kung ano talaga ang ugat ng aberya sa RFID at bakit hindi maiayos ang pagpapatakbo nito.
Dismayado si Poe na tila natutulog sa pansitan ang Toll Regulatory Board (TRB) kaya hindi agad naka-aksyon.
Kumbinsido si Poe sa magandang pakay ng cashless system ng pagkulekta ng toll sa expressways pero ang problema ay ang tila minadaling proseso nito kaya sumablay.