
Sinabayan ng kilos-protesta ng iba’t ibang grupo ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw kaugnay ng anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Secretary-General Mong Palatino, dapat umanong agad kasuhan ang mga opisyal ng gobyernong nagnakaw sa kaban ng bayan at paabutin ang imbestigasyon hanggang Malacañang.
Nangangamba aniya sila na magkaroon pa ng pagkakataon ang mga tiwaling opisyal na itago ang mga ebidensya kung patatagalin pa ang pagsasampa ng kaso at pagkakakulong sa mga sangkot.
Aniya, baka makatakas na naman sa pananagutan ang mga ito at hindi pumabor sa interes ng sambayanang Pilipino ang kaliwa’t kanang imbestigasyon.
Iginiit naman ni Amihan Secretary-General Cathy Estavillo ang matagal na kakulangan sa pagpapanagot sa mga nangulimbat sa kaban ng bayan kahit may malinaw na ebidensya.
Aniya, kapag ang mahihirap ang nagnakaw ng sardinas, mabilis silang ikinukulong, samantalang ang mga nasa puwesto ay nakakalipad pa ng bansa at nakakaharap pa sa publiko.
Kabilang sa mga nagsagawa ng kilos-protesta ang BAYAN, Amihan, Anakpawis, at Bantay-Bigas.









