Pagdinig para sa pondo ng PCOO, muling nasuspinde

Kinumpirma ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na pinasuspinde muli ng Makabayan Bloc ang pagdinig sana kahapon sa 2021 budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ayon kay Castro, inaprubahan naman ng House Committee on Appropriations ang hirit nilang suspendihin ang budget deliberation ng PCOO dahil hindi pa tinutugunan ng ahensya ang kanilang hinaing partikular sa red-tagging sa kanilang mga progresibong mambabatas.

Sa katunayan pa aniya ay mas tumindi pa ang mga post sa social media ni Communications Usec. Lorraine Badoy laban sa kanila at hindi rin tinanggal ng opisyal ang nauna nitong post na lantaran silang tinatawag na mga terorista.


Nanindigan naman ang Kongresista sa kanilang posisyon at ito ay naintindihan naman umano ni Speaker Alan Peter Cayetano.

Sinabi pa ni Castro na sa plenaryo na lamang nila gigisahin ang PCOO kung saan mas matagal-tagal ang tanungan na maaaring abutin ng hanggang 30 minuto.

Samantala, sinabi naman ni House Appropriations Committee Vice-Chair at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na dahil sa makailang beses na suspension sa budget hearing ng PCOO ay tinapos na lamang ang hearing phase ng ahensya sa komite kung saan diretso na itong tatalakayin sa plenaryo.

Facebook Comments