Naantala ang pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Optical Media Board o OMB.
Ito’y matapos mapuna ni Senator Jinggoy Estrada ang poor performance ng kasalukuyang OMB Chairman na si Jeremy Marquez.
Napansin ni Estrada na mula nang maupo si Marquez sa pwesto noong October 2021 ay wala man lang nasampahan ng kaso ang kanilang tanggapan pero bago aniya ito maupo sa pwesto ay nasa average na 200 administrative cases kada buwan ang naihahain ng OMB.
Hindi naman kinontra ni Marquez ang naging obserbasyon ni Estrada pero depensa nito ay inuna nilang linisin at ayusin ang kanilang hanay at opisina bago ang magsagawa ng operasyon sa labas.
Nasita rin ni Estrada ang kawalan ng koleksyon ng OMB para sa mga administrative penalties sa panahon ni Marquez.
Bago aniya maupo si Marquez ay nakakolekta pa ng multa ang OMB na aabot sa ₱2.3 million pero sa panahon ng kasalukuyang OMB chair ay wala man lang naitalang koleksyon ng penalty.
Katwiran naman ni Marquez dito, noong 2018 ay talamak ang bentahan ng mga DVDs kaya naman marami ang mga nakukumpiskang item.
Nang matanong ni Estrada kung hindi na ba talamak ngayon ang bentahan ng DVDs sagot ni Marquez na hindi na masyado pero mayroon pa rin na pakonti-konti.
Hindi naman sigurado si Marquez nang mausisa kung gaano ito kasigurado na talagang wala nang DVDs na ibinibenta at dito na rin hiniling ng senador na i-defer ang budget hearing ng OMB.