Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na suspendihin muna ang 2020 budget deliberations sa Kamara.
Ito ay kasunod na rin sa paghahain sa plenary para sa first reading ng 2020 General Appropriations Bill (GAB) noong Miyerkules ni House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab na bigla namang pinabawi ni House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte dahil hindi pa naman natatapos ang briefing ng mga ahensya ng gobyerno dito.
Dahil ditto, hiniling ni Zarate na ipahinto muna ang ginagawang budget briefing sa komite habang wala pang paghahain na ginagawa para sa 2020 GAB.
Nababahala ang kongresista na ang tuluy-tuloy na pagdinig sa budget ay “prelude” o isang hakbang para makapagsingit ng pondo para sa susunod na taon.
Kailangan din na mahimay ng husto ang GAB upang matiyak na wala itong nilalaman na pork, lumpsum, intelligence o confidential funds.
Kasabay nito, hinamon ng Bayan Muna si Pangulong Duterte na i-veto ang anumang klase ng pork, congressional o Presidential pork man ito.
Mababatid na pinagpapaliwanag ang Malakanyang kaugnay sa napabalitang P7.1 Trillion special purpose fund ng Office of the President at ng mga miyembro ng gabinete.