Na-defer ng Senate Finance subcommittee ang 2023 budget ng National Food Authority (NFA) matapos na hindi maipaliwanag ng tanggapan ang naidagdag na ₱5 billion sa kabuuang ₱12 billion na pondo para sa subsidiya ng gobyerno sa buffer stocking program.
Sa budget hearing, sinabi ni NFA Administrator Judy Carol Dansal na sa dagdag na ₱5 billion, ₱2 billion lang ang kanilang hinihiling na budget increase o mula sa taunang ₱7 billion ay ₱9 billion lang ang kanilang hirit para matumbasan ang kinakailangang 300,000 metric tons na buffer stock na bigas sa loob ng siyam na araw.
Hindi naman maipaliwanag ni Dansal ang dagdag pa na ₱3 billion mula sa P5 billion increase kaya umabot sa ₱12 billion ang pondo.
Itinuturo ni Dansal na Department of Budget and Management (DBM) ang may gawa ng ₱12 billion budget dahil ito ay nakita na lamang nila na nakapaloob na sa 2023 National Expenditure Program (NEP).
Sa kabilang banda, kinontra naman ito ng Budget Department at sinabi ni Director Grace delos Santos na sa DA nanggaling ang panukalang ₱12 billion para umano sa 15 days na buffer stock.
Pinasinungalingan naman ito ni DA Usec. Domingo Panganiban at iginiit na hindi sila at wala silang alam sa nasabing halaga lalo’t Agosto lamang nang maupo siya sa pwesto.
Dahil dito, inihirit ni Senator Francis Tolentino na dahil nagtuturuan na at hindi maipaliwanag paano naging ₱12 billion ang NFA budget para sa buffer stock ay iminosyon na i-defer ang budget ng NFA.