Tiniyak ni Senator Sonny Angara na hindi mamadaliin ng Senado ang gagawing pagdinig sa Charter Change (Cha-cha).
Ngayong umaga ay sisimulan na ng Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ang pagdinig sa Cha-cha o ang Resolution of Both Houses no. 6.
Ayon kay Subcommittee Chairman Angara, hindi nila iraratsada ang pagdinig sa chacha at pagaaralan nila itong mabuti dahil itinuturing ito na pinakamabigat sa lahat ng batas.
Sinabi ng senador na limitado lamang sa tatlong economic provisions ang aamyendahan at hindi kasama ang usaping politikal na batid naman ng lahat na may bahid ng kontrobersiya.
Sa unang araw aniya ng pagdinig sa Cha-cha ay general overview muna ng Konstitusyon ang didinggin kung saan imbitado ang mga kilalang personalidad sa batas at ekonomiya na siyang magbibigay ng kanilang panig tungkol sa saligang batas at kung panahon na ba para amyendahan ito.
Sa ngayon aniya ay regular na panukala lang ang magiging trato sa RBH6 kung saan 3/4 na hiwalay na boto ng Senado at Kamara ang dapat na makukuha.