Sisimulan na ngayong umaga ng House Committee on Constitutional Amendments ang pagtalakay sa panukalang amyenda sa 1987 Constitution.
Kasama sa mga inimbitahan sa pagdinig sa charter change sina dating National Economic and Development Authority Chiefs Gerardo Sicat at Ernesto Pernia, Dr. Raul Fabella ng UP School of Economics, Jose Enrique Africa ng Ibon Foundation, at Calixto Chikiamco at Gary Olivar ng Foundation for Economic Reform.
Ayon sa Chairman ng komite na si Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., walang political amendment proposal ang tatalakayin sa muling pagbubukas ng pagdinig para sa panukalang amyenda sa Saligang Batas.
Lilimitahan lamang ng Kamara sa proposed economic provisions ang pagtalakay na base na rin sa tagubilin ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Nakasaad sa Resolution of Both Houses No. 2 na ilalagay lamang ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa anila’y “restrictive” economic provisions ng Konstitusyon.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Garbin na mabibigyan nang kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga sinasabing restrictions na ito para makapaghikayat ng foreign investments sa oras na kailanganin ito ng ekonomiya ng bansa.