
Sinimulan na ng Senate Committee on Games and Amusement ang pagdinig tungkol sa paglaganap at epekto ng online gambling sa mga kababayan at sa buong bansa.
Nasa tatlong panukalang batas, tatlong resolusyon at isang privilege speech ni Senator Migz Zubiri tungkol sa paglaganap, regulasyon, epekto at pagbabawal ng online gambling sa bansa ang tinatalakay ngayon ng komite.
Sa pagsisimula ng pagdinig, muling iginiit ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Erwin Tulfo na tuluyan nang i-shut down o i-ban ang operasyon ng online gambling sa bansa at gawing krimen ang mga pag-o-operate nito bunsod ng mga epekto nito sa buhay ng mga kababayan at ang lumalaganap na adiksyon sa hanay ng mga kabataan.
Dapat aniyang i-block ang lahat ng platform at server ng online gambling at papanagutin hindi lamang ang operators kundi pati ang mga enabler, sa parehong gobyerno at pribadong sektor.
Tinukoy ni Sen. Erwin na batay sa report ng Department of Finance (DOF) na 60 percent ng online gambling operations ay iligal kung saan mula September 2022 hanggang August 6, 2025, nasa 11,985 illegal online gambling sites ang natukoy at sa bilang na ito 6,363 ay online casino games, 236 ay offshore sites habang 4,813 ang link sa online sabong.
Higit sa tatlong libo ng illegal online gambling na ito ay nananatiling aktibo hanggang sa kasalukuyan, hindi pa kasama rito ang mga unidentified platform.
Binigyang-diin naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi lamang financial loss ang nagiging epekto ng online gambling kundi nagdudulot din ito ng serious physical at mental health issues, pagkasira ng pamilya at relasyon, pagtaas ng kaso ng domestic violence, suicide, crime against person and property, at pagkawala ng mga oportunidad at dignidad para sa mga Pilipino.









