Pagdinig sa impeachment case laban kay VP Sara, hindi dapat gawing “optional” ng 20th Congress

Iginiit ni Senate Minority leader Koko Pimentel na hindi dapat gawing “optional” ng 20th Congress ang paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang reaksyon ng senador matapos sabihin ni Senate President Chiz Escudero na nakasalalay sa susunod na Kongreso ang pagpapatuloy ng impeachment trial.

Binigyang-diin ni Pimentel na utos ng Konstitusyon na “forthwith” o kaagad na magsagawa ng impeachment trial.

Babala ng mambabatas, maaari aniyang magkaroon ng sariling mga interpretasyon ang mga senador pero nagpaalala ito na anuman ang kanilang maging pasya ay pagbabayaran nila ito sa taumbayan.

Samantala, sinabi ni Pimentel na “premature” kung iaakyat sa Korte Suprema ang usapin kung maaaring mag-crossover o tumawid sa 20th Congress ang impeachment trial kay Duterte.

Naniniwala ang senador na hindi pa ito ang tamang panahon at walang kasiguraduhan kung papatulan ng kataas-taasahang hukuman ang naturang isyu dahil malaking bahagi ng usaping ito ay maituturing na “political in nature.”

Facebook Comments