Pagdinig sa mga kaso ni Ozamiz City Police Chief Inspector Jovie Espenido, uumpisahan na ng DOJ

Manila, Philippines – Uumpisahan na mamaya ng Department of Justice ang pagdinig laban sa patung-patong na kasong kinakaharap ng kontrobersyal na si Ozamiz City Police Chief Inspector Jovie Espenido.

Ngayong araw kasi itinakda ni Prosecution Attorney Loverhette Jeffrey Villordon ang preliminary investigation laban kay Espenido, Chief Inspector Glyndo Lagrimas, Senior Police Officer 4 Renato Martir Jr., at Police Officer 1 Sandra Louise Nadayag kaugnay ng kinakaharap nilang kasong murder at arbitrary detention.

Nag-ugat ang kaso laban kay Espenido at 3 iba pa makaraan ang isinagawa nilang serye ng raid sa Cabinti at Balintawak villages sa Ozamiz City na nauwi sa pagkakapatay sa 9 na katao at pagkaka aresto ng 6 na iba na sinasabing sangkot sa robbery incident sa nasabing lugar.


Ang kaso ay inihain ni Carmelita Manzano, kamag anak ni Francisco Manzano, isa sa mga napatay sa raid na isinagawa ng team ni Espenido nuong Hunyo a-primero.

Narekober sa naturang raid ang mga baril, alahas at 11 sachet ng shabu.

Si Espenido ay binigyang parangal ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan dahil sa kontribusyon nito sa kampanya ng administrasyong Duterte kontra ilegal na droga.

Facebook Comments