Pagdinig sa mga reklamo laban sa high-profile na Indian-Pinoy businessman, sinimulan na ng DOJ

Sinimulan na ng Department of Justice (DOJ) ang pagdinig sa mga reklamo laban sa high-profile na Indian-Pinoy businessman at iba pang indibidwal.

Nahaharap sa multiple counts ng reklamong falsification of public documents ang Indian-Pinoy trader na si Rajiv Chandiramani na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng kapatid ng respondent na si Amith.

Ang reklamo ay nag-ugat sa sinasabing pagsasabwatan ng mga respondent upang hindi makuha ng complainant ang kaniyang mana sa kanilang tatay na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso na real estate properties at mga negosyo sa Makati City at Quezon City.


Ayon kay Atty. Edmundo Magpantay, abogado ni Amith, kabilang sa mga inireklamo ay ang nanay ni Rajiv na si Puspha at mga sinasabing kasabwat na sima Janet Cardinal, Maria Anita Turqueza, Rommel Olaybar, Christina Gutierrez at Angelito Manuel.

Sinabi ng abogado ni Amith, inakusahan nito ang mga respondent ng iligal na paglipat kay Rajiv ng mga ari-arian na ligal na ipinamana ng kanilang tatay na si Prem bago ito pumanaw noong December 26, 2011.

Bukod pa ito sa mga milyun-milyong halaga ng mga ari-arian na naibenta ni Rajiv noong mga taong 2018, 2019 at 2021 kahit pa wala na ang kanilang tatay kung saan maging ang kaniyang mamanahin ay ibinenta rin ng kapatid.

Facebook Comments