Ngayong ikatlong araw ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs patungkol sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at sa iba pang kaso ng pagpatay sa ilang LGU officials ay isasalang muna sa ‘executive session’ ang mga resource person.
Kahapon ay hindi ito naihabol ng komite dahil bukod sa inabot na ng gabi ang pagdinig ay ipatatawag pa ang ilang mga indibidwal na posibleng may nalalaman sa kaso ng mga patayan sa lalawigan.
Layunin ng isasagawang executive session na makapagsalita nang malaya ang mga ipinatawag na resource persons nang walang public audience o hindi naka-live coverage.
Maliban sa mga kaso ng pamamaslang ay sisilipin din ang mga nabulgar kahapon na talamak sa Negros Oriental na iniuugnay rin kay suspended Cong. Arnolfo Teves Jr., ang itinuturong “highest mastermind” sa pagpatay kay Gov. Degamo.
Kabilang dito ang isyu ng pagiging talamak ng iligal na e-sabong, STL operation at maging ang posibleng problema sa iligal na droga.
Umaasa si Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ngayong araw ay matatapos nila ang pagdinig patungkol sa mga batas at peace and order sa probinsya ng Negros Oriental.