Pagdinig sa POGO hub sa Tarlac at kay suspended Mayor Alice Guo, ipagpapatuloy ngayong araw

 

Ipagpapatuloy ngayong umaga ng Senate Committee on Women ang imbestigasyon sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) hub sa Tarlac na kinasangkutan ni suspended Mayor Alice Guo.

Nauna nang nagpadala ng liham si Guo kay Committee Chairperson Risa Hontiveros kung saan naghayag ito na hindi makakadalo sa pagdinig dahil sa lumalalang sitwasyon ng kanyang mental health at mga banta sa buhay.

Ayon kay Hontiveros, kung talagang gusto niyang malinis ang kanyang pangalan ay magpakita ito sa pagdinig, sumagot ng maayos at tigilan na ang pagsisinungaling.


Makatutulong din aniya sa mental health ni Guo kung magsasabi na ito ng totoo.

Mamaya rin malalaman kung magpapaisyu na ba ng “warrant of arrest” si Hontiveros laban kay Guo dahil hindi nito sinunod ang subpoena ng Senado.

Bukod dito, wala ring maipakitang medical certificate si Guo na magpapatibay sa katwiran nito na hindi maayos ang kanyang mental health dahil batay sa suspendidong alkalde walang doktor ang gustong mag-isyu sa kanya ng sertipikasyon sa takot na mapatawag sa Senado at makaranas din ng humiliation o mapahiya.

Facebook Comments