Pagdinig sa reklamong paglabag sa quarantine protocol laban kay Sen. Koko Pimentel, itinakda na ng DOJ

Sisimulan na ng Department of Justice (DOJ) sa susunod na linggo ang pagdinig sa reklamo laban kay Senator Koko Pimentel dahil sa sinasabing paglabag nito sa quarantine protocols.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), ang tentative date sa pagdinig ay isasagawa sa Mayo 20 o sa darating na Miyerkules.

Ang ikalawang pagdinig ay sa Hunyo 18 pero posibleng mabago pa ang nasabing petsa.


Nag-ugat ang reklamo nang magtungo si Senator Pimentel sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo sa COVID-19.

Bunga nito, nalagay umano sa peligro ang publiko lalo na ang health workers ng naturang ospital na umasikaso sa kanilang mag-asawa.

Ang reklamo laban kay Pimentel ay isinampa ng grupo ni Atty. Rico Quicho sa pamamagitan ng electronic filing.

Partikular ang kasong paglabag sa Republic Act 11332 at ang implementing rules and regulation ng naturang batas maging ang ilang regulasyon ng Department of Health (DOH).

Sa ilalim ng R.A. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indibidwal na lumabag sa batas mula P20,000 hanggang P50,000.

Facebook Comments