Pagdinig sa Rice Liberalization Law sa Kamara, sinabayan ng kilos protesta ng iba’t ibang grupo ng magsasaka

Sinalubong ng kilos protesta ng iba’t ibang militanteng grupo ang pagdinig hingil sa status ng implementasyon ng RA 11203 o ang Rice liberalization Law.

Isinagawa ang kilos protesta sa labas ng south gate ng Batasan Complex sa Quezon City.

Pinagbabato ng putik ng mga mga miyembro ng National Federation of Peasant Women, Bantay Bigas, Anakpawis at Gabriela Women’s Party ang larawan ni Pangulong Duterte at Senator Cynthia Villar.


Ayon kay  Bantay Bigas spokesperson at Amihan Secretary General Cathy Estavillo, dapat singilin ang mga nagpasimuno umano ng Rice Liberalization Law na naging sanhi umano ng pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka at ng lokal na industriya ng bigas.

Tinawag pa nilang ‘band aid solution’ ang cash assistance ng Department of Agriculture sa mga magsasakang naapektuhan ng Rice Liberalization Law.

Nagbanta ang mga grupo na tuloy-tuloy ang kanilang gagawing mga protesta para igiit ang kanilang mga panawagan.

Facebook Comments