Pagdinig sa SIM card registration bill, tiniyak ng Senado na mamadaliin

Imumungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na isang pagdinig na lamang sa komite ang gawin kaugnay sa subscriber identity module o SIM card registration bill.

Bukas ay idaraos ng Senate Committee on Public Services ang imbestigasyon kaugnay sa naglipanang text scams at ang pagdinig tungkol sa panukalang gawing mandatory na ang SIM card registration upang masawata ang mga gumagawa ng iligal na aktibidad gamit ang prepaid cellphone numbers.

Ayon kay Zubiri, dahil nagkaroon na ng malawak na pagtalakay sa panukala noong 18th Congress ay hindi na dapat pahabain pa ang deliberasyon sa panukala at irerekomenda niya sa komite ni Senator Grace Poe na isang pagdinig na lang ang gawin dito.


Tiyak din aniyang lahat na sa Senado at maging ang mga taga-media ay nakatanggap ng spam messages at text scams kaya kung siya ang tatanungin, napapanahon na para pagtibayin at magkaroon na ng batas sa SIM card registration.

Sa ilalim ng panukala ay ire-require ang isang indibidwal na magpakita ng valid ID sa pagbili ng sim cards at sasagutan ang registration form na naglalaman ng pangalan, birthday, address, mobile number, serial number at iba pang mahahalagang impormasyon.

Pinamamadali ng senate president ang pagpapatibay sa panukala lalo’t may mga lolo, lola at mga bata ang nabobola ng mga scammers.

Facebook Comments