Sisimulan na ng Mataas na Kapulungan ang deliberasyon sa panukalang ₱5.768 trillion na pambansang budget para sa taong 2024.
Sa araw ng Martes at Miyerkules ng susunod na linggo itinakda ang pag-uumpisa ng pagtalakay sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ng Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara.
Haharap sa unang araw ng pagdinig ng Senado sa budget ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo ng mga economic manager na sina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman at iba pang kasapi ng economic team.
Samantala, ilang senador naman ang nagpahayag na partikular na nais nilang busisiin ang confidential at intelligence funds ng Office of the President, Office of the Vice President, Department of Education at mga civilian agency.
Ilang senador din ang nagnanais na bawasan o ilipat ang CIF ng mga nabanggit na ahensya para palakasin ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines at bigyan ng intel funds ang Philippine Coast Guard lalo ngayong hindi humuhupa ang tensyon sa West Philippine Sea.