Nagpapagod lamang ang mga kongresista sa pagsasagawa ng mga pagdinig kaugnay sa kontrobersiyal na Charter Change o pag-amyenda sa konstitusyon.
Ito ang inihayag ni ANAKALUSUGAN Partylist Representative Mike Defensor dahil mas dapat aniyang mabigyan ng prayoridad ngayon ang pagdinig sa mga gagamiting COVID-19 vaccines.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Defensor na kung siya ang magdedesisyon ay dapat sa Senado muna unang talakayin ang CHA-CHA.
Masasayang lamang kasi aniya kung magkakaroon ng hearing ang kongreso pero hindi naman aaprubahan sa mataas na kapulungan.
Ayon pa kay Defensor, dapat ay nagsagawa na lamang ang kongreso ng pagdinig sa COVID-19 vaccines para malaman din ang proseso ng pag-apruba ng Food and Drug Administration sa isang bakuna.