Pagdinig ukol sa kwestyunableng paggamit ng DOH sa COVID response fund, isasagawa ngayong araw ng Senado

Alas-11:00 ngayong umaga ay bubuksan ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig ukol sa umano’y pagkukulang o maling pamamahala ng Department of Health (DOH) sa mahigit P67 billion na pondo pantugon sa COVID-19 pandemic.

Ang pagdinig ay base sa report ng Commission on Audit (COA) at ayon kay Committee Chairman Senator Richard Gordon, uunahin nilang pagtuunan ang umano’y atrasadong benepisyo at allowances ng health workers.

Base sa report ng COA, mayroon umanong deficiencies sa pangangasiwa ng DOH sa halos P267 million na para sa pagkain, accommodation at transportasyon ng healthcare workers.


Pangunahing inimbitahan sa pagdinig si Health Secretary Francisco Duque III, gayundin ang mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM), COA, Samahan ng mga Ospital ng Health Workers, PhilHealth, at mga liga ng lalawigan, siyudad at munisipalidad.

Umaasa si Senator Imee Marcos na maipapaliwanag ni Duque sa pagdinig ang kinukwestyong paggastos ng DOH katulad ng pagbili ng mga gamot na malapit ng mag-expire at ang pagtengga sa mga pondo na lubhang kailangan ngayong may pandemya.

Diin naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na kailangang ipaliwanag ng husto ni Duque kung bakit may natira pang pondo para sa pandemya habang maraming health workers ang hindi pa rin nabibigyan ng benepisyo at maraming ospital ang kapos sa kagamitan.

Facebook Comments