Ikinakasa na ni House Committee on Labor and Employment Chairman Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang pagdinig sa lalong madaling panahon sa mga panukalang nagsusulong ng dagdag na sweldo.
Giit ni Nograles, kailangang iprayoridad ang mga panukalang salary increase sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin.
Tinukoy rin ni Nograles ang survey ng Pulse Asia nitong Hunyo na nagsasabing 57 percent mga Pilipino ang naniniwalang kailangang tugunan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng bilihin habang ang 45 percent naman ay nananawagan para sa pagtaas ng sweldo.
Sabi ni Nograles, kapag natapos na ang preparasyon at nakausap na ang stakeholders ay agad na niyang pangungunahan ang pagdinig ukol sa hirit na dagdag-sahod.
Kasabay nito ay nilinaw rin ni Nograles na hindi pa maituturing na “done deal” o pinal ang mungkahing pagpapatupad ng national minimum wage dahil mahaba-haba pa ang talakayan hinggil dito.
Binanggit din ni Nograles na kasabay ng pagsusulong sa salary increase ay dapat ding isaalang-alang ang panig ng employers kaya kailangang mabalanse ang iba’t ibang interes at humanap ng kompromiso para sa kapakanan ng lahat.