Ikinaalarma na nina Senators Imee Marcos at Risa Hontiveros ang sunud-sunod na insidente ng pagpaslang at pagkawala ng mga miyembro ng legal community o mga abogado at mga hukom gayundin ang isang doktor na ini-uugnay sa New People’s Army (NPA).
Dahil dito ay inihain ni Marcos ang Senate Resolution no.593 para masiyasat ang mga kaso ng pagpatay kay Atty. Edgar Mendoza ng Batangas at driver nito; pag-ambush kay Court Judge Jeaneth Gaminde-San Joaquin; pagpaslang kay Manila Regional Trial Court Judge Maria Teresa Abadilla, Atty. Eric Jay Magcamit, at Atty. Joey Luis Wee.
Kasama rin sa isinusulong na pagdinig ni Marcos ang pagkawala nina dating Court of Appeals Judge Normandie Pizarro at Atty. Ryan Oliva.
Ayon kay Marcos, bagama’t magkakahiwalay na kaso ang mga ito, kailangan pa ring mabusisi ang isyu na sila ay nasa iisang larangan na inaatasan para mangalaga sa hustisya at magpatupad ng batas.
Inihain naman ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution 599 para ma-imbestigahan din ang pagpatay kay Negros Oriental, Guihulgan City Municipal Health Officer Dr. Mary Rose Sancelan at asawang si Edwin.
Diin ni Hontiveros, nakakabahala na sa gitna ng krisis at pandemya ay nagpapatuloy pa rin ang serye ng mga pagpatay sa bansa.