Naging makulay at makasaysayan ang pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Department of Education (DepEd) ngayong araw, June 24, 2019.
Sa pangunguna ni Education Secretary Leonor Briones at Undersecretary Alain Pascua, ipinakita nito ang mural o isang malaking canvass na gawa ng award winning play director at artist Rey Angelo Aurelio na may temang “Bayani sa Lupain ng Ginto’t Bulaklak.”
Sa nasabing mural, makikita dito ang 21 bayani ng Pilipinas kung saan iginiit ni Briones na mahalaga na malaman ng bawat estudyante o nang maging bawat Pilipino ang mga naiambag nila para makuha ng bansa ang tinatamasang kalayaan.
Sinabi pa ni Briones na mas maiging idaan sa ganitong paraan ang selebrasyon ng kagawaran upang maihatid ang kahalagahan ng paggiging bayani kung saan umaasa siya na may mga susunod sa yapak ng mga naturang bayani tulad nina Jose Rizal, Apolinario Mabini, Andres Bonifacio at iba pa.
Sa huli, iginiit ni Briones na dapat din kilalaning bayani ang mga Pilipinong may malaking naiiambag sa bansa habang sila ay nabubuhay pa at kasabay nito, binigyan niya ng malaking hamon ang mga regional directors ng DepEd na alamin at saliksikan ang bawat bayani sa kanilang lugar.