Naitala bilang ‘generally peaceful’ ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa Region 1 matapos mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong rehiyon, ayon sa Police Regional Office 1 (PRO1).
Batay sa ulat, ligtas na sinalubong ng mga residente ang pagsapit ng 2026 sa ilalim ng OPLAN “Ligtas Paskuhan,” kung saan mahigit 4,000 pulis at force multipliers ang na-deploy mula Disyembre 16, 2025 hanggang Enero 2, 2026.
Nakatuon ang mga operasyon sa mga terminal, lugar-pasyalan, simbahan, at iba pang matataong lugar.
Sa kabila ng 77 insidenteng may kaugnayan sa paputok, walang naitalang nasawi at 88 lamang ang nagtamo ng minor injuries.
Nagsagawa rin ang kapulisan ng 462 operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 4,506 ilegal na paputok, habang 5,150 naman ang boluntaryong isinuko, kung saan may 520 violators ang naitala kaugnay ng mga paglabag.
Dalawang kaso ng indiscriminate firing ang naiulat at agad na naaksyunan, na humantong sa pag-aresto sa mga sangkot at walang naiulat na nasaktan.
Patuloy namang iniimbestigahan ang isang insidente noong Disyembre 25 sa Dagupan City kung saan dalawang katao ang nasawi at 11 ang nasugatan matapos umanong masunog ang isang lugar na may kinalaman sa paputok o pyrotechnic devices.
Ayon sa PRO1, mas mababa ang kabuuang bilang ng krimen na naitala sa holiday period, na iniuugnay sa masinsing pagbabantay, tuloy-tuloy na patrol at checkpoint operations, at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at mga residente.










