Pagdukot ng Armadong Kalalakihan sa isang Binata, Patuloy ang Imbestigasyon

25

Cauayan City, Isabela- Kaagad na inalerto ng pamunuan ng Cauayan City Police Station ang lahat ng himpilan ng pulisya sa mga karatig bayan upang matukoy ang kinaroroonan ng mga armadong kalalakihan na tumangay sa biktima sakay ng isang itim na Toyota vios na walang plaka bandang alas-5:30 ng hapon kahapon sa kahabaan ng Africano St., Barangay District 2, Cauayan City, Isabela.

Ayon kay PLT. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan, patuloy ang pagkalap ng kongkretong impormasyon sa posibleng motibo sa nangyaring pagdukot sa biktima.


Una nang sinabi ng ina ng biktima na idinadawit umano sa krimen ng pagpatay sa binatilyong si Aize Dalupang at itinuturing na mastermind ang kanyang anak.

Emosyonal naman na ikinuwento ng ina ng biktima na bagama’t may katigasan ng ulo ang kanyang anak ay hindi nito magagawang pumatay ng tao taliwas sa ibinibintang sa biktima.

Umaasa pa rin ang pamilya ng biktima na maiuwing ligtas ang kanilang kaanak matapos ang nangyaring insidente.

Tiniyak naman ng kapulisan ang kaligtasan ng mga maaaring magbigay ng pahayag sa nangyaring insidente ng pagdukot sa biktima upang mapabilis ang pagresolba ng kaso.




Facebook Comments