Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa PNP-Anti Kidnapping Group (AKG) na tutukan ang imbestigasyon sa napaulat na pagdukot sa anim na magkakaibigan sa Laurel, Batangas.
Batay sa ulat na nakarating Sa Camp Crame, kinilala ang anim na biktima na sina Mark Nelvin Caraan, Shane Despe, Carlo Fazon, Eugene Noora, Mar Christian Ore at Paulino Sebastian.
Pauwi na umano ang mga ito sa Dasmariñas City, Cavite, matapos magbakasyon sa Lian, Batangas nang harangin at tangayin kasama ang kanilang sasakyan ng mga armadong kalalakihan sa Tagaytay Nasugbu Road.
Natagpuan ng mga tauhan ng Batangas Provincial Police Office ang abandonadong sasakyan ng mga biktima sa makahoy na lugar sa Barangay Bunggo, Calamba City, Laguna.
Utos ni PNP Chief sa AKG, makipag-ugnayan sa mga pamilya ng biktima para matukoy ang posibleng motibo sa pagdukot.
Nanawagan din si Eleazar sa sinumang may impormasyon kaugnay ng insidente na makipagtulungan sa mga awtoridad.