Kinuwestyon ni Surigao del Sur 2nd District Representative Johnny Pimentel ang paggamit ng Department of Education (DepEd) ng ₱112.5 milyong halaga ng confidential fund sa youth leadership summit.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, lumitaw na nangyari ito noong panahon na si Vice President Sara Duterte nang siya pa ang kalihim ng DepEd.
Binanggit ni Pimentel na iniimbestigahan na ito ng Commission on Audit (COA) dahil sa kakulangan ng wastong dokumentasyon at kaduda-dudang mga ulat ng liquidation nito na kulang sa mga resibo at larawan.
Sa pagdinig ay ipinaliwanag naman ni dating DepEd Spokesperson Michael Poa, na ang mga youth leadership summit ay hindi direktang isinagawa ng DepEd kundi pinangunahan ng Armed Forces of the Philippines bilang bahagi ng kanilang adbokasiya laban sa insurgency.
Sa kabila nito ay nananatili ang pagdududa ni Pimentel na talagang naganap ang mga summit dahil ang mga dokumento ng liquidation na isinumite sa COA ay tanging mga sertipikasyon lamang mula sa mga opisyal ng militar.
Punto pa ni Pimentel na imposibleng maubos ang ₱112.5 million sa pagpapakain ng halos 3,000 mga estudyante kahit i-hotel pa ang mga ito ng tatlong buwan.