Manila, Philippines – Inatasan na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang DOJ Taskforce on Child Protection na imbestigahan ang sinasabing paggamit ng labing tatlong pulis ng Caloocan sa isang menor de edad para pagnakawan ang bahay na target ng kanilang raid.
Ipinag-utos din ni Aguirre ang pagsasampa ng kaso sakaling mapatunayan na may ginawang pag-abuso sa bata ang mga pulis.
Ayon kay Aguirre, ano mang uri ng physical o psychological injury o anomang paraan ng pang-aabuso sa mga kabataan ay may katapat na parusa sa ilalim ng batas.
Sa naturang police operation sa bahay ng isang 51-anyos na ginang mula sa Caloocan, makita sa CCTV ang pwersahang pagpasok ng mga pulis ng Caloocan na pinangungunahan ng isang pilay na lalaki na armado pa ng baril at nakasuot ng bullet proof vest.
Kasama ng raiding team ang isang bata na nakasuot naman sweater na may hoodie kung saan makikita na pinagkukuha nito ang ilang personal na gamit sa loob ng bahay at hindi rin sinasaway ng mga kasama nitong pulis.