Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (fda) ang paggamit ng limang rapid test kits na makakatulong para mapabilis ang testing sa mga hinihinalang COVID-19 patient.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, ang mga inaprubahang point-of-care test kits ay rehistrado din sa ibang bansa at nagamit na sa China at ng Singapore.
Aniya, maaari itong gamitin sa mga lugar na hinihinalang madaming kaso ng Covid-19.
Sabi ni Domingo, mas mabilis ang resulta ng mga rapid test kits kaysa sa mga polymerase chain reaction (PCR)-based kits pero kailangan maging maingat dahil antibodies at hindi viral load ang sinusukat nito.
Giit naman ni Domingo, bilang safety precaution, ang rapid test kits ay dapat sumunod sa FDA requirements kabilang ang paglalagay ng label na ang produktong ito ay para lang sa medical professional at hindi pwedeng gamitin ng personal.
Kinakailangang trained health professional ang magsagawa at umintindi ng test.Kakailanganin ang confirmatory testing.
Una nang inaprubahan ng FDA ang PCR-based test kits na ginagamit sa laboratoryo para makuha ang genetic material mula sa swab samples ng lalamunan at ilong para ihambing sa COVID-19 virus.
Maliban dito, inaprubahan din ang SARS-Cov2 kit ng GeneXpert mula sa Abbott Laboratories na kayang ma-detect ang virus sa loob lamang ng limang minuto.
Sa kabuuan ang FDA ay mayroon nang naaprubahan na 17 PCR-based test kits.