Paggamit ng air assets sa paghahatid ng pagkain at inumin sa isang isolated na barangay sa Tanay, Rizal ipinag-utos ni PBBM

Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paghahatid ng food packs sa pamamagitan ng mga air assets sa isang barangay sa Tanay, Rizal na hindi pa rin marating dahil nasa itaas ng bundok.

Ayon kay Rizal Governor Nina Ynares, tatlong araw nang walang natatanggap na ayuda ang mga residente ng Sta. Ines sa Tanay dahil sa mga nasirang kalsada patungo sa lugar.

Sa situation briefing kaninang tanghali sa San Mateo, Rizal, iniutos ng pangulo na ibigay ang lahat ng mga kinakailangan ng mga residenteng naipit gaya ng mga pagkain at tubig.


Iminungkahi naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa na i-airlift ang mga pasyenteng maysakit sa lugar at ibaba muna upang mabigyan ng atensiyong medikal.

Ito ay habang hindi mapuntahan ng mga ambulansya ang barangay dahil sa mga saradong kalsada.

Kinakailangang tumawid ng ilog ng mga residente mula sa tuktok ng bundok para makababa sa kabayanan pero nananatiling mataas ang tubig at malakas ang agos.

Facebook Comments