Umaapela si House Committee on Health Chairperson Angelina “Helen” Tan sa Department of Health (DOH) at sa iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno na bantayan ang paggamit ng antibody tests.
Sa pagdinig ng komite na dinaluhan ng DOH, Department of Science and Technology (DOST), at stakeholders, ay tinalakay ang pagsasailalim sa antibody test ng mga taong nabakunahan na dahil nais malaman ang efficacy ng COVID-19 vaccine na itinurok sa kanila.
Nababahala ang ilang mga kongresista na posibleng makaapekto sa confidence ng mga Pilipino sa bakuna ang neutralizing antibody tests dahil matapos sumailalim dito ay marami sa mga nabakunahan ang may mababa o zero ang level ng antibodies sa katawan.
Giit ni Tan, dapat na i-monitor o bantayang mabuti at i-regulate ang mga health facilities na nag-aalok ng serology testing para sa antibodies.
Aniya, ito ay upang maprotektahan ang integridad ng vaccination program ng pamahalaan at maisulong din ang kumpyansa ng mga Pilipino sa bakuna.
Paalala naman ni UPM-National Institutes of Health (NIH) Dr. Regina Berba na kahit mahalaga ang antibody test para matukoy ang mga na-exposed sa SARS-CoV-2 virus at pag-develop ng adaptive immune response, hindi naman dapat ginagamit ang antibody test na sukatan kung ang isang indibidwal na nabakunahan ng COVID-19 vaccine ay may protection o immunity sa virus.
Sa pagdinig ay hiningan din ng update ng komite ang mga ahensya ng gobyerno hinggil sa solidarity trial para sa COVID-19 vaccine, pag-aaral sa mix and match ng bakuna, pagsasaliksik sa virgin coconut oil (VCO) bilang supplement sa mga nagkasakit, at immunosurveillance study sa effectiveness ng bakuna.