Inatasan ng Inter-Agency Task Force o IATF ang regional counterparts at mga task force nito na i-monitor ang alokasyon at utilization ng rapid antigen test para sa pagpapaigting ng pag-uulat ng COVID-19 cases.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, inatasan ang Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) na i-facilitate ang rehistrasyon ng mga pasilidad kaugnay sa paggamit ng rapid antigen kits.
Sa ganitong paraan, matitiyak na ang mga resulta ng antigen test ay makokolekta at mapagsasama-sama ng mga health, temporary treatment at monitoring facilities, at ng mga Local Government Unit o LGU upang maisumite sa DOH.
Nilinaw naman ng kalihim na dadaan pa rin sa confirmatory test ang mga magpopositibo rito.
Kaugnay nito, ikinukonsidera rin ang karagdagang staff at encoders para sa disease surveillance na magtitiyak na araw-araw na maisusumite ang antigen line list.