Mariing itinanggi ni House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na nagamit sa People’s Initiative o PI para sa Charter Change o Cha-Cha ang Ayuda sa ilalim ng Kapos ang Kita o AKAP Program.
Diin ni Co, ang pondo ng AKAP ay para sa “near poor at low-income” ng mga pamilyang Pilipino, at hinding-hindi gagamitin sa pag-amyenda ng konstitusyon.
Pahayag ito ni Co makaraang iugnay ni Senator Imee Marcos sa AKAP ang pagkalap ng mga pirma para sa Cha-Cha.
Para kay Co, dinudungisan ni Senador Marcos ang malinis na intensyon ng AKAP na tulungan ang mga kababayan nating may trabaho ngunit kapos ang kita.
Kaugnay nito ay sinabi ni Co na taumbayan na ang bahalang humusga sa umano’y pamumulitika ng senadora sa isang programang pantulong sa mga mahihirap nating kababayan.
Ngayong 2024, ay nasa P50 billion ang nakalaan para sa progama kung saan mabibigyan ng P5,000 cash assistance ang mga benepisyaryo na apektado ng mataas na presyo ng mga bilihin.