Mas pabor ang World Health Organization (WHO) Philippines sa paggamit ng terminong “up to date with the recommended schedules” sa redefinition ng fully vaccinated.
Ayon kay WHO Representative to the Philippines Dr. Rajendra Yadav, pabor sila na isama ang booster shots kasunod ng primary series ng COVID-19 doses sa redefinition.
Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa halip na palitan ang kahulugang terminong fully vaccinated, mas nais nilang gamitin na lang ang “up to date” para sa mga indibidwal na nabigyan na ng booster shots.
Matatandaang inirekomenda ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na palitan ang kahulugan ng terminong fully vaccinated at saklawin nito ang mga naturukan na ng booster dose para mahikayat ang mga tao na magpa-booster shot.
Sa kabuuan, halos 67 million na ang fully vaccinated kontra COVID-19 pero mahigit 12.6 million pa lamang ang nakatanggap ng kanilang booster shots.