Hinikayat ni Senator Sonny Angara ang Food and Drug Administration (FDA) na tularan ang ginagawang pag-aaral ng mga counterparts nito sa United States at iba pang bansa ukol sa pagbabakuna sa mga 18-anyos pababa laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Angara, hindi tayo makakabalik sa normalcy at hindi magkakaroon ng herd immunity kung hindi mababakunahan ang mga kabataan.
Ayon kay Angara, nasa 28 million ang mga estudyante sa basic education habang nasa 3.4 million ang nasa tertiary.
Giit ni Angara, ang pagkakaroon natin ng ligtas na bakuna para sa mga bata ay magiging game-changer para sa bansa, para sa ekonomiya, para sa mga kabataan at mga pamilya.
Dagdag pa ni Angara, oras na mabakunahan na ang mga kabataan ay maaari ng magbukas ang mga eskwelahan para sa face-to-face classes.
Binanggit pa ni Angara na ang plano para sa pagbabakuna sa mga bata ay magiging gabay ng ehekutibo at lehislatibo sa paglalatag ng pondo ng Department of Education para sa susunod na taon.