Buo ang suporta ni Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino “Nonoy” Libanan, sa desisyon ng Bureau of Immigration (BI) na pagamitin ng body-worn video cameras ang mga secondary inspectors nito.
Pahayag ito ni Libanan, makaraang i-anunsyo ng BI na naglaan ito ng ₱16 million para ipambili ng body cameras na gagamitin ng mga inspectors nito sa mga paliparan.
Tiwala si Libanan, na ang naturang hakbang ay magbibigay proteksiyon sa mga pasahero ng eroplano gayundin sa mga tauhan at opisyal ng BI.
Diin ni Libanan, mahusay ang hakbang na gamitin ng BI ang makabagong teknolohiya para makamit ang transparency and accountability sa pagtupad ng mga tauhan ng BI sa kanilang tungkulin.
Kaugnay nito, ay binanggit ni Libanan na pasado na sa third and final reading ng Kamara ang BI Modernization Act na patunay ng kanilang suporta sa full automation and digitization sa proseso at serbisyo ng BI para mapahusay ang travel experience at maipatupad ang border security.