Isasali na sa rice program ng gobyerno simula sa susunod na taon ang paggamit ng biofertilizers.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian na unang hakbang ito patungo sa green technology ng bansa.
Isinama na aniya nila sa binabalangkas na budget ng departamento sa susunod na taon ang 1.9 bilyong piso para sa biofertilizers.
Sa susunod na taon o 2024 aniya, sinabi ni Sebastian na magiging voucher na ang pondong ito.
Ibig sabihin hindi na magkakaroon ng bidding para sa biofertilizers, sa halip voucher na ang gagamitin ng mga magsasaka at sila na ang pipili kung anong klaseng biofertilizers ang gusto nilang gamitin.
Sinabi pa ni Sebastian na gustong ipalaganap ngayon ng pamahalaan ang paggamit ng biofertilizer para mapanatili ang maraming produksyon ng bigas.
Kapag nagtuloy-tuloy aniya ang paggamit ng biofertilizers, maaring mabawasan na ang paggamit ng inorganic fertilizers tulad ng urea na mahal ang presyo sa global market.