Ipinatatanggal na ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang paggamit ng Community Tax Certification o cedula sa mga transaksyon sa gobyerno.
Sa House Bill 8445 o Government Services Modernization Bill na inihain ni Salceda, tinukoy nitong hindi na kapaki-pakinabang ang paggamit ng cedula ngayon lalo pa’t karamihan na sa mga Pilipino ay may government identification cards.
Dapat na aniyang i-phase out ito sapagkat umuubos lamang ng isang araw ang proseso sa pagkuha ng cedula.
Bukod sa hindi ito sapat na identification at hindi rin epektibong gamit para sa local government collection ay nagiging redundant lamang ito sa maraming pagkakataon.
Sa ilalim ng panukala ay binibigyang kapangyarihan ang Pangulo na suspindehin ang pag-iisyu ng cedula sa mga government transactions.
Kasama rin sa nakapaloob na panukala ni Salceda ang one-day business registration at “portability” o gawing accessible sa lahat ng sulok ng bansa ang mga social services tulad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Social Security System, Pantawid Pamilyang Pilipino Program at iba pang social programs.