Paggamit ng contingency fund para dagdagan ang confidential and intelligence fund ng isang ahensya, isusulong ng isang senador na tuluyang ipagbawal

Isusulong ni Senator Risa Hontiveros na ipagbawal ang paggamit ng contingent fund para dagdagan ang confidential and intelligence funds (CIF) ng ilang mga civilian government agencies.

Sa pagpapatuloy ng plenary deliberations para sa general principle ng 2024 national budget, ipapanukala ni Hontiveros ang hindi na paggamit ng contingent fund sa CIF sa ilalim ng special provision hinggil dito.

Giit dito ni Hontiveros, hindi dapat gamitin ang contingent fund sa CIF dahil ito ay para lamang sa mga emergency o biglaang pangangailangan.


Ipagbabawal din ng senadora ang paggamit sa contingent fund sa pagbili ng mga sasakyan.

Paliwanag ni Hontiveros, ginagamit lamang ang contingent fund para i-cover ang funding requirements ng mga bago o urgent activities o projects ng mga ahensya ng gobyerno, GOCCs at mga lokal na pamahalaan na kinakailangang maipatupad o mabayaran sa loob ng isang taon.

Mababatid na noong 2022, P125 million na contingent fund sa tanggapan ng Pangulo ang inilipat sa confidential fund ng opisina ni Vice President Sara Duterte.

Ang naturang suhestyon na amyenda ni Hontiveros ay welcome naman kay Finance Committee Chairman Sonny Angara na siyang nagdepensa sa budget.

Facebook Comments