Inirekomenda ng isang opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang paggamit ng coupon para sa payout ng cash assistance sa mga residente ng NCR plus bubble na kasalukuyang nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, nakalagay sa coupon ang lugar at oras ng payout at ibibigay ito sa mga benepisyaryo ng financial assistance ng national government.
Layunin nitong magkaroon ng maayos na pamamahagi ng ayuda sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.
Pero sinabi ni Diño, na ang mga cash aid recipients na maagang pupunta sa itinakdang schedule ng kanilang payout ay paparusahan dahil sa paglabag sa physical distancing protocols.
Iminungkahi ito ni Diño dahil sa mga naiuulat na paglabag sa physical distancing protocols habang isinasagawa ang payout sa ilang lugar sa NCR plus.
Gayumpaman, ipinauubaya ng DILG sa mga local government units (LGUs) kung paanong paaran nila ipapamahagi ang ayuda.