Cauayan City, Isabela- Muling ipatutupad ngayong araw, Marso 22, 2021 ang paggamit ng Covid Shield Control Pass sa Lungsod ng Tuguegarao bilang bahagi ng paghihigpit sa travel protocols para sa mga papasok sa Lungsod.
Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod kaya’t nagbaba ng kautusan si Mayor Jefferson Soriano sa pamamagitan ng isang Executive Order (EO).
Nakasailalim sa EO No. 47, na sinumang papasok sa lungsod na hindi residente nito ay kinakailangang magpakita ng anumang valid Identification (ID) card na magpapatunay na residente ito ng ibang bayan upang makakuha ito ng Visitors Pass.
Para naman sa mga hindi residente ng lungsod na nagtratrabaho sa Tuguegarao City, maging ang mga nagtratrabaho sa gobyerno kabilang na ang mga nasa academe at mga frontliners, maaaring gamitin ng mga ito ang kanilang mga company ID sa pagpasok sa lungsod.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas maigting na health at travel protocols ay malilimitahan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.