Hindi isinasantabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na isama sa environmental crimes case laban sa China ang paggamit ng cyanide ng mga mangingisdang Chinese sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay Guevarra, nakikipag-ugnayan na ngayon ang kanilang hanay sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para berepikahin ang ulat ng mga Filipinong mangingisda na gumagamit ng cyanide ang China.
Kapag napatunayan aniya, maaaring isama na ito sa environmental crimes case na isasampa ng Pilipinas laban sa China.
Sabi ni Guevarra, maghahain ng legal action ang Pilipinas kung hindi uubra ang diplomatikong pamamaraan.
Sa ngayon, sinabi ni Guevarra na naghihintay na lamang sila ng kumpas mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at magrerekomenda ang Office of the Solicitor General (OSG) ng legal na opsiyon.
Una nang ikinasa ng pamahalaan ang pagsasampa ng environmental crimes case laban sa China dahil sa pagwasak sa coral reefs sa West Philippine Sea (WPS) noong nakaraang taon.