Hinimok ng isang eksperto ang pamahalaan na gawin ang lahat, kahit pa ang muling paggamit ng Dengvaxia vaccine, para maiwasan lamang ang pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
Ayon kay infectious disease expert Dr. Edsel Salvana, wala naman siyang nakikitang isyu sa paggamit ng Dengvaxia dahil ginagamit na rin ito sa United States, Europe, at Singapore, at ang iba pa nga aniyang mga Pilipino ay nagpupunta pa ng Singapore para lamang magpabakuna nito.
Matatandaang binawi ng Food and Drug Administration (FDA) ang Certificate of Product Registration ng Dengvaxia noong 2019 matapos mabigong magsumite ang Sanofi Pasteur ng post-approval requirements para dito.
Dagdag pa ni Salvana na may iba pang dengue vaccine na dumaan na sa mga clinical trials at nasa phase 3 na tulad ng Takeda.
Kailangan lamang aniyang buksan ng gobyerno ang isipan nito sa iba’t ibang paraan lalo pa’t patuloy na tumataas ang dengue cases sa bansa.
Sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) na pumalo na sa higit 64,000 ang bilang ng kaso ng dengue sa bansa simula Enero 1 hanggang Hunyo 25, na halos doble ang itinaas kumpara noong 2021.
Nabatid din na lahat ng rehiyon sa bansa, maliban sa Ilocos region at Caraga, ay lumampas na sa epidemic threshold sa nakalipas na apat na linggo.