Ipinaaalala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato nito na ang pagkakaroon ng campaign materials sa electronic billboards ay ipinagbabawal.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon – dapat maghain ng kandidato ng petisyon sa kanila bago sila payagang makagamit ng electronic billboards sa kanilang kampanya.
Nagpadala na ang poll body ng notices sa mga kandidato na gumagawa nito.
Inatasan na rin ni Guanzon ang mga election officer at iba pang concerned offices na magsumite ng kanilang compliance reports sa loob ng 24 oras.
Sa ilalim ng Comelec rules, binibigyan ang isang kandidato ng tatlong araw para alisin ang mga illegal campaign materials nito kapag naisyuhan sila ng notice.
Magsasagawa rin ang poll body ng case build-up laban sa mga kandidatong lalabag sa campaign rules, na isang election offense at maaaring patawan ng parusang pagkakakulong, tatanggalan ng karapatang bumoto at diskwalipikasyon na makahawak ng public position.