Paggamit ng emergency text alert, pinasisilip ng Makabayan bloc

Pinapaimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang paggamit kamakailan ng emergency text alert system na may mensaheng pabor sa isang kandidato sa 2022 elections.

Matatandaang matapos maghain ni dating Senador Bongbong Marcos ng kaniyang kandidatura ay biglang nakatanggap ang mga nasa Sofitel Harbor Tent ng emergency text notifications na may mensaheng pro-Marcos.

Ang emergency text alert ay kahalintulad sa ipinapadala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC tuwing may kalamidad o sakuna.


Sa House Resolution 2280 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan, binibigyang direktiba ang House Committee on Information and Communications Technology na siyasatin “in aid of legislation” ang insidente upang makalikha ng batas at maiwasang maulit ito sa hinaharap.

Layunin ng imbestigasyon na palakasin pa ang Republic Act 10639 o Free Mobile Disaster Alerts Act tulad na lamang ng paglalagay ng parusa para sa mga iligal na gagamit nito para ma-mislead o linlangin ang publiko.

Nakasaad sa resolusyon ang mariing pagkondena rin ng mga mambabatas sa pag-hijack sa emergency text alert na malinaw sa batas na ito ay gagamitin lamang sa mga natural at man-made disasters at calamities.

Pinagpapaliwanag din ang kampo ni Marcos kung papaanong nagkaroon ng text blasts gamit ang free mobile text alerts para sa political campaign.

Facebook Comments