Paggamit ng firecrackers at pyrotechnics, bawal sa Metro Manila

Tuluyan nang ipinagbawal ang paggamit ng firecrackers at iba pang pyrotechnics sa Metro Manila sa pagsalubong sa Bagong Taon bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na maprotektahan ang mga tao mula sa coronavirus infection.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Brigadier General Vicente Danao, ipinag-utos na niya sa lahat ng police commanders sa Metro Manila na mahigpit na ipatupad ang firecrackers ban.

Ang paggamit aniya ng paputok ay hindi lamang makakapanakit sa mga biktima kundi kailangan din nilang dalhin sa mga ospital kung saan banta sa kanila ang mahawaan ng COVID-19.


Bukod dito, maituturing ding paglabag sa minimum health safety standard protocols, lalo na sa patakarang laban sa mass gatherings ang paggamit ng paputok.

Ang kautusan ni Danao ay nagmula sa rekomendasyon ng Metro Manila mayors.

Kaugnay nito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Directorate for Operations Head, Major General Alfred Corpus na naghihintay lamang sila ng kautusan kay Pangulong Rodrigo Duterte kung ipagbabawal ang paggamit ng paputok sa buong bansa.

Kung wala mang ilalabas na kautusan, hinihikayat ng PNP ang Local Government Units (LGUs) na magtalaga ng firecracker zones sa kanilang nasasakupan habang nasusunod ang health protocols.

Facebook Comments