Inirekomenda ni Quezon City Rep. Precious Castelo sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) na gumamit na lamang ng internet o anumang mobile communication devices para maabot ang mga pensioners.
Ito ay kasunod na rin ng mungkahi ng kongresista na baguhin ang requirement na ‘proof of life’ rule para sa mga pensioners ng GSIS at SSS kung saan kinakailangang magtungo sa mismong araw ng kaarawan ang isang retiree sa pinakamalapit na opisina upang patunayan na siya/sila ay buhay pa.
Ayon kay Castelo, bagama’t naiintindihan niya na ang requirement na personal na magpunta sa tanggapan ng GSIS o SSS ay para maiwasan ang pagbabayad ng pensyon sa mga pumanaw na myembro, iginiit niya na hindi ligtas para sa mga matatanda ang paglabas ng tahanan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Maaari aniyang pansamantalang gumamit muna ang GSIS at SSS ng internet o anumang communication devices upang makausap at ma-verify ang mga pensioners.
Iminungkahi ng lady solon na maaaring i-video call ng agents ng GSIS o SSS o hingian ng larawan katabi ng latest na dyaryo ang isang pensioner bilang patunay na sila ay buhay pa.
Dagdag ng kongresista, ito aniya ang ginagawa ngayon madalas kay Pangulong Rodrigo Duterte lalo na kung binubusisi ng publiko kung nasaan ang Pangulo.