Maaaring maging available na rin sa bansa ang COVID-19 test kit na pwedeng gamitin sa loob ng mga bahay.
Ang unang self-test kit para sa COVID ay available na sa Estados Unidos kung saan naglabas ng emergency use authorization (EUA) para sa Lucira COVID-19 all-in-one test kit.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, magiging mabilis lamang ang proseso at pag-apruba sa COVID-19 self-testing kit kapag nag-apply ang manufacturer ng registration.
Kaya aniya mabilis ang pagpaparehistro ng testing kit dahil hindi ito gamot o bakuna.
Pero ang mga produktong binigyan ng EUA sa ibang bansa ay kailangang magparehistro o mag-apply sa Pilipinas.
Sa ngayon, wala pang kapangyarihan ang FDA na magbigay ng EUA pero kumpiyansa silang ipagkakaloob sa kanila ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.