Aprubado na ni Pangulong Bongbong ang pagbuo sa single operating system para sa lahat ng government transactions na magpapadali sa pagnenegosyo sa Pilipinas.
Sa sectoral meeting sa Malacañang, sinabi ng pangulo na ang iba’t ibang tanggapan ng gobyerno na nakatutok sa polisiya ay dapat na ikonsidera ang pagkakaiba ng proseso sa national government at proseso ng mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ng pangulo, mayroon kasing mga teknikal na dahilan, maging politikal, at lokal na konsiderasyon, sa pagtalima sa batas, ang dapat na maisaalang-alang, at ang gobyerno naman ay kailangan na matugunan ang mga usaping ito.
Ayon naman kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Velicaria-Garafil, ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) ay ibinabatay na ang proseso ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, upang mapagsama-sama na ito sa single system.
Ayon aniya sa mga opisyal ng DICT at ARTA, nakonsulta na nila ang stakeholders, kabilang ang iba’t ibang Local Government Unit upang silipin ang kanilang mga proseso at requirements, kasabay ng paghimok sa mga ito na gawin nang unified ang kanilang application form, at upang maikonekta sila sa isang network na magsisilbing one-stop-shop.
Sinabi ng kalihim, ang pinakamabisang paraan para bawasan ang mga requirement at processing time ay ang paga-adopt ng government agencies ng data sharing, para ang mga dokumento na naisumite na sa isang ahensya ay hindi na hihingin pa ng isang ahensya.