Muling nanawagan si Senador Imee Marcos sa Department of Health (DOH) at sa Food and Drug Administration (FDA) na payagan ang mas malawak na Emergency Use Approval (EUA) ng mga “repurposed drugs” na tulad ng Ivermectin habang naaantala ang pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Binanggit ni Marcos na pinayagan na ng FDA ang emergency use ng Ivermectin, subalit limitado lang sa ilang ospital.
Umaasa si Marcos na ang pag-aatubili ay hindi dahil sa masasagasaan ang interes ng mga malalaking pharma, sapagkat malaking tulong ang Ivermectin na mabibili lang ng 35 pesos.
Binanggit pa ni Marcos na patuloy ring pinag-aaralan sa buong mundo ang paggamit ng mga repurposed drugs tulad ng Ivermectin para makagamot ng COVID-19, kasunod ng mga testimonya ng mga pasyente at doktor na nakabuti ang mga ito.
Ang panawagan ni Marcos ay kasunod ng pagka-antala ng pagdating ng Sputnik vaccine ng Russia na inaasahan sana noong Linggo, maliban pa sa iba pang mga bakuna galing sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).
Giit ni Marcos, kailangan natin ng back-up na plano para mabawasan ang paghihirap ng ating mga ospital at healthcare workers at sa harap ng pagiging limitado pa rin ang supply ng bakuna sa mga susunod na buwan.